TALAMBUHAY NI  MUHAMMED AKRAM

 

Ako ay 29 taong gulang, nawalan ng pandinig noong pagkabata. Ito ang aking talambuhay.

 

Ako ay si Muhammad Akram, "Danish" ang palayaw sa akin.  Noon, ako ay wala kapansanan, masaya katulad ng ibang batang Pakistani hanggang sa dapuan ako ng malubhang sakit. Sa awa ng Diyos at pagaaruga ng aking mga magulang at mga mangagamot, nailigtas ang buhay ko sa panganib na iyon ngunit nawala ang aking pandinig. 

 

Noong una, umasa ako na muli akong makakarining kagaya ng sinabi ng aming Doktor. Sinubukan ko ang lahat ng dalubhasng Ospital at manggagamot, maging ang acupunture ngunit hindi naibalik ang aking pandinig.  Nawalan ako ng pag-asa sa buhay.  Hindi ko matanggap ang aking kalagayan. Paano ko haharapin ang kinabukasan gayong pakiramdam ko ay wala na akong magawa at wala nang silbi?  Sa mga panahong iyon ng kalungkutan ang pamilya ko ang umaaliw sa akin. Binigyan ako ng aking kapatid ng personal computer noong 1989, at mula noon ay pinalipas ko ang mga oras sa Computer games.  Sa kabila nito, dumating ang panahon na ako'y nabagot at naisip ko na hindi na muli pa akong makakarinig. Dito ako nagpasya na sa kabila nito hindi dapat ako habang buhay na umasa sa ibang tao. Nangako ako sa aking sarili na gagawin ang lahat na aking makakaya upang makapagtapos ng pag-aaral kahit ako’y may kapansanan at kung hindi man ako magtagumpay, ay gagamitin ko rin ang matututunan sa karanasang iyon. Sinuportahan ng aking mga magulang ang kagustuhan kong makapag-aral ng Computer Science.  Ngunit sa kawalan ng paaralan sa aming lugar para sa mga bingi napilitan akong makisalamuha sa mga estudyanteng nakakarinig.

    

Ang Petroman Computer Institute, ang kaunahang paaralan ng Computer ang tumanggap sa akin. Sa tulong ng tagapamahala ng paaralan na si Mr.Shakeel Ur Rehman, ako ay nagbigyan ng pagkakataon na magsanay sa ilalim ng guro ng Petroman bilang handa sa pagsususulit upang matanggap sa paaralang iyon (Salamat sa guro na si Mr.Javar Akhtad).  Dala ng aking kapansanan and pangamba na hindi ko mapapantayan ang mga mag-aaral na nakakarinig at natakot na hindi ako makapapasa sa pagsusulit na iyon at lalo’t higit ay magkaroon ng Diploma. Sa kabila ng pangamba, naglakas loob ako at ginawa ang abot ng aking makakaya.  Tagumpay akong nakapasa at higit doon, ako ay isa sa dalawang may pinakamataas na marka 8.75/10. 

 

Ang munting pagsubok na iyon ang nagbago ng aking pananaw.  Nagpatuloy akong makipagsapalaran at makisalamuha sa mga may pandinig na mag-aaral at madalas akong nagtagumpay.  Dalawang beses akong bumagsak sa “Electronic Data Processing" ngunit hindi ako sumuko hanggang sa makakuha ako ng Diploma.  Napatunayan ko na ang buhay ay hindi nakasalalay sa kung may pandinig and tao o wala kundi sa determinasyon. Kung mayroong determinasyon walang hadlang sa iyong pangarap.

Marami akong nakasalamuhang tao sa aking buhay, may mabubuti at masasama , may tumatanggap at mayroon ding humahamak sa akin ngunit binale-wala ko ang mga nangungutya.  Natutunan kong iwasan at talunin ang mga iyon. Pagkatapos na ako ay makakuha ng Diploma sa Computer Science, ipinagpatuloy ko ang pag-aaral sa B.Commerce at pagkatapos ay kumuha ng Certificate in Computer Maintenance at naging Microsoft Certified Professional.

 

Sa pamamagitan ng aking karanasan, nais kong ipatotoo sa mga taong may kapansanan na kaya nila ang makipagkompetensya sa mga walang kapansanan at higitan pa ang kakayanan ng mga ito.  Sa mga walang kapansanan, nais ko ipaalala na hindi dapat maliitin ang sinuman at huwag pag-atubilihang bigyan ng pagkakataon ang mga taong may kapansanan. Sa kabila ng kakulangang pisikal ay may kakayanan din silang makipagpaligsahan at magwagi kung bibigyan lamang ng pagkakataon.

 

 

KUNG PAANO AKO NAGING VOLUNTEER

 

Habang nag-aaral ng Computer Science, nagtrabaho ako sa Pertoman for NEMES - UNISCO.  Pagkatapos mag-aral,

tatlong buwan akong nagtrabaho ako sa pahayagang DAWN. Noong 1996 sumali ako sa Pakistan Institute of Quality Control  (PIQC) bilang Computer Programmer.

Sa isang pagkakataon ay nakilala ko si Ms. Irene Dine ng Association of Physically Handicap ofThailand(APTH).  Nang malaman niya na ako ay may kakayanan sa Computer, inalok niya ako ng pagkakataon na lumikha ng website para sa APTH.  Pinayuhan din niya ako na sa halip na sayangin ang aking oras sa bahay ay gamitin ko ang aking talento sa pagtulong sa mga may kapansanan sa aking lokal. Nagtungo ako sa Social Welfare Department at humingi ng listahan ng local na NGO na ang layunin ay para sa mga may kapansanan. 

 

Pinili ko magboluntaryo sa Pakistan Association of the Deaf (PAD) noong taong 2000. Pagkalipas ng isang taon nagboluntaryo ako bilang Remote/Virtual Volunteer Web Designer sa Deaf Friends International(DFI) noong taong 2001. At nung Setyembre nung taong iyon nahirang akong Junior Editor.  Noong buwan ng Hunyo taong  2002 ako ay naging Assistant Director ng DFI

Nang bumalik si Irene sa Pilipinas at magtaguyod ng Heaven Care Resource Center Inc.(HCRCI) tumulong ako sa kanya.  Nakilala ko rin ang isang bingi na Pilipina na si Gilda. Di kalaunan ay tumigil si Gilda sa trabaho at nagtayo ng Deaf Tour Assistance, Philippines (DTAP).  Humingi din siya ng tulong at dahil hilig ko ang magboluntaryo di ko ipinagkait ang aking talento. 

 

Maraming himala ang Internet, katulad kay Gilda, nakilala ko rin sa pamamagitan ng internet si Galuh Sukmara, isa ring may kapansanan sa pandinig na social worker sa Yogyakarta Indonesia.  Inanyayahan niya ako at ng Pangulo ng Deaf Association of Yougyasa kanilang lugar bilang isang boluntary. Sampung araw ako sa gawain sa Yogya bago naganap ang tsunami noong Disyembre 2004. 

 

Sa kasalukuyan, ako ay isang  volunteer sa PAD, DFI, HCRCI, DTAP.  Hindi ko man naranasan and mahiwagang mundo ng mga bingi noong ako ay lumalaki at nag-aaral sa piling ng mga taong nakakarinig, labis ko naman ikinalulugod sa kasalukuyan ang pagboboluntaryo dito. Lubos akong nagapasalamat kay Ms. Irene Dine ang pag-akay niya sa akin sa daan ng pagboboluntaryo.

 

Higit sa lahat, nais kong ipahayag...

 

Kung ikaw ay may kapansanan,

huwag ka mawalan ng pag-asa. Bigyan mo ang sarili ng pagkakataon na ipamalas ang iyong kakayahan. 

Piliin ang landas na iyong tatahakin,

 gawin mo ang abot ng iyong makakaya upang magtagumpay

 at ang Diyos ang siyang gagawa ng paraan para sa iyo.

 

 

 

Sa aking Pamilya,

Sa aking Panginoon,

at sa lahat ng taong

tumangkilik sa akin

 

Salamat sa inyong lahat,

Danish/

M. Akram    

    

Isinalin sa Pilipino ni Irene Aldovino